Sabado, Hulyo 12, 2014

Ekonomiks at Ibang Agham Panlipunan

     Ang ekonomiks ay nagbibigay-pansin sa gawi ng tao kung kaya ito ay may kaugnayan sa ibang agham panlipunan.

Antropolohiya - sistematikong pag-aaral ng pinagmulan, ebolusyon at kultura ng tao. Nagiging batayan din ng pag-aaral ang mga maeryal at di-materyal na bagay tulad ng kasuotan, tirahan, paniniwala at pagpapahalaga.

Agham Pampulitika - sistematikong pag-aaral ng buhay pulitikal. Ang ekonomiks ay tumutugon sa pagkontrol ng lahat ng pinagkukunang-yaman, kabilang ang produkto at serbisyo na nakaaapekto sa kapangyarihang pampulitika sa loob at iba pang bansa.

Sosyolohiya - ang pag-aaral ng tao, pangkat at institusyon na bumubuo sa lipunan. Sa pamamagitan ng mga datos na ibinibigay ng mga sosyologo, naipaliliwanag ang dahilan ng krimen, kahirapan, lumalaking populasyon, paglaganap ng iskwater at iba pang panlipunang suliranin.

Pilosopiya - ang pag-aaral na nagnanais maunawaan ang hiwaga ng buhay at realidad. Bawat institusyon sa lipunan ay nababatay sa pilosopiyang kaisipan, ang institusyon mang iyan ay batas, pamahalaan, relihiyon, pamilya, kasal, industriya, negosyo o edukasyon.

Sikolohiya - siyentipikong pag-aaral ng mga prosesong pangkaisipan (mental processes) at gawi. Ang pananaliksik na ginagawa ng mga sikologo ay magbibigay ng malawak na pang-unawa kung paano ang mga manggagawa ay maging produktibo sa kanilang hanapbuhay.

Heograpiya - ang pag-aaral ng lokasyon at pamamahagi ng mga nabubuhay na bagay sa daigdig at ang ugnayan sa iba pang bagay sa daigdig. Ang pag-aaral ng klima ay magbibigay datos sa mga ekonomista kung bakit ang isang lugar ay maraming tao, may iba't ibang hanapbuhay, angkop na produkto at industriya na dapat bigyang-pansin.

Kasaysayan - ang pag-aaral ng nakaraan. Ang pag-aaral ng kasaysayan ay nakatutulong upang makakuha ng mga kaisipan sa nakaraan na magiging batayan sa paggawa ng desisyon at patakaran na makaaapekto sa kabuhayan ng bansa.

Archeology - ang pag-aaral sa nakaraan sa pamamagitan ng pagkilala at interpretasyon ng mga materyal na labi (remains) ng kultura ng tao. Ang mga nahukay na labi ng mga nakaraang sibilisasyon ay nagbibigay-linaw sa mga pangkabuhayang kultura ng tao sa iba't ibang panahon.

Criminology - ang maka-agham na pag-aaral tungkol sa krimen, kriminal, gawain ng kriminal at ang criminal justice system. Ang criminology at ekonomiks ay nagkakaugany sa pamamagitan ng pagsusuri kung paano makaaapekto sa ekonomiya ang paglaganap ng krimen at iba pang uri nito.

Demography - ang pag-aaral ng distribusyon, komposisyo at pagbabago ng populasyon ng tao. Nagkakaroon ng pagsusuri sa epekto ng populasyon sa ekonomiya ng bansa, ang komposisyonng populasyon na bumubuo sa lakas-paggawa, gayundin ang epekto ng malaking populasyon sa antas ng pagkatuto, sa antas ng kasanayang dapat makamit upang maging produktibong mamamayan.









Ref: EKONOMIKS (Batayang Aklat para sa Ikaapat ng Taon)

2 komento: